Friday, May 20, 2011

Puting Ilaw

Puting Ilaw
Isinara mo ang iyong mga mata. Isinara mo ang iyong mga mata at sinabi mo sa iyong sarili, “Sa wakas, tapos na.” Lumipas ang ilang minuto, ilang oras. Ika’y humimlay puno ng kasiyahan. Nakita mo ang kapayapaan. Sa wakas tapos na. Nang isinara mo ang iyong mga mata ay ayaw mo nang bumalik pa.
***
Lakad. Lakad. Lakad. Iba’t ibang kulay ng ilaw ang nakapaligid sa iyo. Mga ilaw na gumagabay sa’yo sa tuwing ika’y tatahak sa mabaho at maduming kunwa’y paraiso ngunit isang malaking kulungan ng mga gamu-gamo. Sinusundan mo ang mga ilaw- pula, asul, dilaw, asul, pula, asul, dilaw. Sa iyong pagsunod sa mga ilaw, alam mong sa dulo ay makakarating ka sa iyong tahanan- o himlayan. Matapos ang isang mahabang araw, ngayon mo lang naramdaman na tila ang iyong mga paa ay naglaho na lang bigla. Naglalakad ngunit tila nakalutang at walang nararamdaman. Pagod ka na.
***
Hindi na kita mahal. Hindi na kita mahal. Hindi na kita mahal.
Mga salitang paulit-ulit na tumuturok sa utak mo. Bawat yapak ng paglutang ay saksak sa puso’t isipan. Hindi mo mawari ang iyong nararamdaman.
Hindi na kita mahal.
Tila isang pusang gala na naghahanap ng bahay na matutuluyan. Patuloy ang pagtahak- asul, pula, asul. Walang tao sa kalye kundi ang mga lalaking naghahanap ng kaligayahan at  mga babaing katawan ay ginagawang kasangkapan.
***
Lakad. Lakad. Lakad. Tila wala nang ilaw na nakapaligid sa iyo. Wala nang gumagabay sa iyo. Malinis ang lahat. Lingon dito, lingon doon. Naramdaman mo sandali ang iyong mga paa. Hindi ka makagalaw. Nakita mo ang puting ilaw. At nawalan ka na muli ng pakiramdam. Tila ika’y nasa himpapawid, walang pakiramdam, at lumulutang. Salamat sa puting ilaw.
***
Maingay. Mga boses na bumubulong ng mga salitang para sa iyo ay walang katuturan. Puting ilaw ang bumabalot sa iyong kapaligiran. Mga taong nakapaligid sa iyo ay tila nagugulumihanan. Ngunit ika’y walang nararamdaman kundi tila tubig na umaagos mula sa iyong ulo patungo kung saan man. Kapayapaan, ito ang iyong paglalarawan.
***
Isinara mo ang iyong mga mata. Isinara mo ang iyong mga mata at sinabi mo sa iyong sarili, “Sa wakas, tapos na.” Nang isinara mo ang iyong mga mata ay ayaw mo nang bumalik pa.